12 Hunyo 2020*

Taliwas sa utos na lockdown ng gobyerno, nagkilos protesta ang mga kabataang aktibistang nakasuot ng face mask laban sa napipintong pagpasa ng bagong anti-terror law sa Pilipinas. Unibersidad ng Pilipinas sa Lungsod Quezon. Kuha ni Susan Corpuz. 2020 Hunyo 4.

 

Nakikiisa ang Focus on the Global South sa mga progresibong grupo at mga kilusan sa mariing pagtutol sa napipintong pagpasa ng bagong anti-terror law sa Pilipinas. Ang pagratsada ng panukalang batas na ito sa Kongreso—na pinadali ng direktiba ni Duterte na nagsasabing kagyat ang pagpapasa nito—habang patuloy na nakikipagbuno ang sambayanang Pilipino sa mga pangmatagalang epekto ng pandemyang COVID-19 sa kanilang buhay at kabuhayan, ay patunay lamang ng despotiko at awtoritaryang katangian ng administrasyong ito. Ang normalisasyon ng karahasan, ang kriminalisasyon ng mga kritiko, ang demonisasyon ng karapatang pantao at nagtatanggol dito, at ngayon ang sapilitang pagsasabatas ng pananalasa ng estado sa karapatang pantao at mga saligang kalayaan ay habambuhay na tatatak sa ating kolektibong kamalayan bilang pamana ng rehimeng Duterte.

Ang pangamba na gagamitin ang batas para italaga bilang terorismo ang mga protesta, lehitimong kritisismo, at sibil na pagsuway—na nakatalaga sa Konstitusyon bilang ating mga karapatan—ay may malinaw na batayan. Sa loob ng mahabang panahon, ang kapulisan na siyang tagapagpatupad ng batas mismo ang nangunguna sa matinding panliligalig at pagpatay sa mga hanay ng progresibong grupo sa ngalan ng kapayapaan at kaayusan. Sa ilalim ng Administrasyong Duterte, higit silang naging agresibo bunga ng paggawad sa kanila ng administrasyon ng kapangyarihan na magtakda kung sino ang may sala ng paglabag sa batas at magpataw ng kaparusahan ayon sa sarili nilang diskresyon—kapangyarihan na dapat ay nakareserba lamang sa hudikatura. Sa madaling salita, ang karahasan ng kapulisan ay lalong pinagtibay ng kasalukuyang administrasyon, na nagpamalas din ng kapasidad at kagustuhan nitong gumamit ng karahasan laban sa mga mamamayan.

Ang gobyernong ito ay naglunsad ng gyera laban sa kanyang sariling mamamayan. Ang nabigong “Oplan Tokhang” o War on Drugs—na kumitil na ng higit 30,000 buhay nang walang pananagutan mula sa gobyerno, kapulisan, at iba pang institusyon na sangkot sa malawakang pagpatay—ay patuloy na ipinatutupad; ang adyenda sa ekonomiya na pabor sa interes ng mga korporasyon ay patuloy na nagbabanta laban sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda, mga manggagawa, katutubo, at kababaihan; at ang palpak, militaristiko, at kamay na bakal na tugon sa COVID-19 public health emergency ay lalong nagpalala sa epektong pangkalusugan, pampulitika, pang-ekonomiya, panlipunan, at pang-kultura ng krisis.Kami ay lubos na nababahala na ang pagpasa nitong bagong anti-terror law sa panahong ang buong bansa at buong mundo ay nagkukumahog sa pagharap sa pandemya ay magbubunsad ng mas matinding pag-atake sa mga nagtatanggol sa karapatang pantao, na kumikilos batay sa mga karapatang ginagarantiya ng Konstitusyon. Ang panukalang batas na ito ay may mga probisyong lumalabag sa Konstitusyon, at nakapipinsala sa sibil at pampulitikong karapatan ng mga mamamayan.

Una, malabo ang pagpapakahulugan ng panukalang batas sa gawaing terorismo. Ang partikular na nakababahala rito ay ang pagtatalaga ng pag-uudyok ng gawaing terorismo (inciting to commit terrorism) bilang isang krimen. Ang malawak na pagpapakahulugang ito ay maaaring abusuhin ng mga nasa kapangyarihan at gamitin upang tirahin ang mga tumutuligsa at tumututol sa pamahalaan, at sa ganoong paraan ay labagin ang ating karapatan sa malayang pagpapahayag.

Pangalawa, ang panukalang batas ay bubuo ng Anti-Terror Council (ATC) na may kapangyarihan na magtalaga at magsabi kung sino ang mga terorista at iutos ang pag-aresto at detensyon ng mga ito. Binubuo ng mga opisyal na hindi naman halal ng bayan, ang ATC ay labag sa ating Saligang Batas dahil inaalis nito ang kapangyarihan mula sa hudikatura at ang kapangyarihan na dapat ay nakareserba sa mga hukuman. Ang pagbibigay ng ganitong kapangyarihan sa ATC ay lalo pang nakakabahala kung titingnan natin ang mga taong uupo sa konsehong ito mula sa kasalukuyang administrasyon, na kilalang nanguna sa red-tagging. Sa ulat ng United Nations High Commission for Human Rights sa kasalukuyang kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas na lumabas ngayong araw, nakasaad na “ang red-tagging—o pagbansag sa mga indibidwal o grupo (kabilang ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao at mga NGO) bilang komunista at terorista—ay malaking banta sa civil society at sa malayang pagpapahayag.”[ii]

Pangatlo, ang mga taong pinaghihinalaang mga terorista ay maaring iiditina nang walang warrant of arrest sa loob ng 14 araw, na maari pang palawagin ng 10 araw. Ang probisyong ito, ayon sa Alternative Law Groups (ALG)—isang koalisyon ng 23 mga legal resource NGOs—ay magbubukas sa pang-aabuso sa mga mamamayan, mag-aalis ng kanilang kalayaan, at lalo pang magtutulak sa mga abusadong nasa kapangyarihan na arestuhin at ikulong ang mga mamamayan base lamang sa hinala.

Panghuli, sa ilalim ng panukalang batas, hahayaan ang kapulisan at militar na maglunsad ng mga gawaing surveillance o paniniktik laban sa mga taong pinaghihinalaang terorista sa loob ng 90 araw. Kasama sa impormasyong maaaring makalap ng awtoridad ay ang iba’t ibang porma ng pang-pribadong komunikasyon. Dahil sa walang hadlang na akses sa ganitong impormasyon na pahihintulutan sa ilalim ng batas, kahit ang impormasyon o data na maaaring wala namang kaugnayan sa imbestigasyon ay maaring magamit para sa panunupil. Sa gayon, bukas din ang batas sa pang-aabuso ng karapatan sa privacy.

Ito ang mga realidad na hinaharap natin ngayon. Pinangunahan ni Duterte ang tuloy-tuloy at sistematikong atake sa demokrasya: ang patuloy na incommunicadong pagkakulong kay Senador Leila de Lima gamit ang mga gawa-gawang kaso, ang pagpapatalsik sa pwesto sa Korte Suprema gamit ang quo warranto kay Punong Mahistrado Maria Lourdes Sereno; ang patuloy na atake laban sa kritikal na media at sa malayang pamamahayag; ang pag-atake sa mga komunidad sa kanayunan na lumalaban sa mga mapanirang proyekto; ang paggamit ng batas bilang sandata laban sa mga grupong nagtatanggol sa ating demokrasya—gaya ng Executive Order (EO) No. 70, na ginagamit na basehan para sa mga pag-atake sa mga progresibo sa ngalan diumano ng layuning tapusin na ang sigalot laban sa kilusang komunista, at ngayon ang pagratsada sa anti-terror law. Ang panukalang batas ay lalo pang nakababahala kung iuugnay sa bagong kasunduan kaugnay ng US$2 bilyon na bentahan ng armas sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, at ang pagsuspindi sa naunang desisyon ng pamahalaan na wakasan na ang 1999 Visiting Forces Agreement o VFA. Ang dalawang magkaugnay na kaganapang ito na magpapalawak pa sa presensya at pwersa ng Amerika sa bansa, kasama ang napipintong pagpasa ng anti-terror law, ay lalo pang magpapalakas sa kapangyarihan ng estado na supilin ang mga Pilipinong lumalaban para sa demokrasya.

Kami ay naninindigan kasama ang mga progresibong pwersa at ang kalakhan ng mga Pilipino sa patuloy na pakikipaglaban para sa karapatang pantao. Kasama kami sa mga pagkilos para biguin ang mga pag-atake laban sa demokrasya at sa ating mga saligang karapatan at kalayaan.#

Ibasura ang Anti-Terror Law!

Labanan ang Diktadura!

 Makipag-ugnay Kay: Joseph Purugganan, [email protected];

____________

*Naunang inilabas ang pahayag na ito sa wikang Ingles noong 4 Hunyo 2020

[i] Sa ilalim ng kasalukuyang Human Security Act of 2007, ang Konseho ay binubuo ng: Kalihim Tagapagpaganap (Tagapangulo), Kalihim ng Katarungan (Pangalawang Tagapangulo), Kalihim ng Ugnayang Panlabas, Kalihim ng Tanggulang Bansa, Kalihim ng Interyor at Pamahalaang Lokal , Kalihim ng Pananalapi, at Tagapayo ng Pambansang Seguridad.

[ii] Para sa karagdagang impormasyon, maaaring basahin ang OHCHR press release, “Philippines: Un report details widespread human rights violations and persistent impunity” sa link na ito: https://www.ohchr.org/en/newsevents/pages/displaynews.aspx?newsid=25924