Agricultural Training Institute, Department of Agriculture, Elliptical Road, Quezon City
Marso 27-28, 2012
Dalampu’t pitong buwan o dalawa’t kalahating taon na lamang ang nalalabing panahon sa pamamahagi ng lupa sa ilalim ng RA 9700 o Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER). Ayon sa datos ng Department of Agrarian Reform (DAR), may mahigit isang milyon pang lupaing agrikultural, karamihan ay mga pribadong lupaing pagmamay-ari ng mga makapangyarihang pamilya, ang kailangan pang ipamahagi. Batay sa 2010 at 2011 na datos ng DAR, may 88,545 ektarya (2010) at 86,209 (2011) ektaryang lupain lamang ang naipamahagi. Kung ganito ang magiging takbo ng pamamahagi, tiyak na di matatapos ang pamamahagi ng lupa sa itinakdang deadline.
Bukod pa rito, hindi malinaw sa datos kung aktwal na naipamahagi nga ang mga lupain at ano ang tunay na kalagayan ng mga magsasaka at benepisyaryo sa baba. Ang malinaw ay mabagal, mababa ang kalidad ng implementasyon ng CARPER, papasara na ang DAR, kulang sa budget at sa dulo, walang komitment si P-Noy na tapusin ang programa sa ilalim ng kanyang pamumuno. Sa ganitong konteksto gumagalaw ang kampanya ng Save Agrarian Reform Alliance (SARA). At upang paigtingin ang kampanya at igiit ang substantibo, makatarungan at epektibong implementasyon ng CARPER, magsasagawa ang SARA ng mga lokal na konsultasyon tungo sa isang State of Agrarian Reform Address sa Hunyo 2012, sa buwan ng anibersaryo ng CARP.
Sa unang serye ng konsultasyon, noong ika-27-28 ng Marso, humigit-kumulang 80 magsasaka, manggagawang bukid, kababaihan sa kanayunan at NGOs ang nakilahok sa Luzon-Wide Consultation at Assessment on Agrarian Reform/CARPER. Sa loob ng araw ay pinag-usapan ng mga kalahok ang estado o kalagayan ng repormang agraryo sa bansa at partikular sa Luzon, sitwasyon sa kani-kanilang probinsiya, mga susunod na hakbang at istratehiya para sa sama-samang pagkilos.
Layunin ng konsultasyon at pagtatasa na:
- Maibahagi ang sitwasyon ng repormang agraryo sa ilalim ng CARPER, sa nasyunal, probinsyal at lokal na sitwasyon
- Maimulat ang mga kalahok/magsasaka sa kalagayan ng kanilang probinsya at maiugnay nila ito sa kani-kanilang lokal na sitwasyon
- Makalipon at makalikha ng mga kritikal na impormasyon ukol sa tunay na kalagayan ng mga magsasaka sa baba at pagtatasa tungkol sa lagay ng repormang agraryo sa lokal na antas
- Patatagin ang SARA sa baba sa pamamagitan ng sama-samang pagpaplano, mga pagkilos at kaisahan
Profile ng mga Kaso sa Lupa
Siyam na pambansang pederasyon ng mga magsasaka, manggagawang bukid, at mga kababaihan sa kanayunan ang naging kalahok ng konsultasyon. Kabilang dito ang Aniban ng mga Mangagawa sa Agrikultura, Nagkakaisang Magbubukid sa Gitnang Luzon, PKMP, PKKK, PKMM, PARAGOS-Pilipinas, KATARUNGAN, Makabayan-Pilipinas, PAKISAMA.
Mayroong 46 na kaso sa 13 probinsya mula sa Gitnang Luzon (Bataan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, Nueva Vizacaya, Aurora, Zambales), Timog Katagalugan (Quezon, Laguna, Rizal, Batangas) at Hilagang Luzon (Isabela) ang naibahagi ng mga kalahok. Karamihan sa mga kaso ay “multiple cases” o marami at kawing-kawing na problema
Ang kabuuang bilang ng lupang pinag-usapan ay 58,101.87 ektaryang lupain o 39 na porsyento ng balanse ng DAR para sa Luzon. Malaking bilang ito ng mga lupaing hindi pa naipapamahagi at 13 probinsiya pa lamang ang sakop ng 46 na kaso.
Sa kabilang banda, 3,230 benepisyaryo/magsasaka o 15 porsyento ng kabuuang benepisyaryo ang apektado ng hindi pamamahagi ng lupa ng DAR.
|
Regions |
Land Coverage (in hectares) |
Affected Agrarian Reform Beneficiaries |
|
Central Luzon |
42,555.87 |
10,095 |
|
Southern Tagalog and Northern Luzon |
15,546.00 |
3,230 |
|
Total |
58,101.87 |
13,325 |
|
DAR’s official land distribution backlog for Luzon (except Bicol) as of December 2011 |
149,133 |
87,725 |
Mga Problema sa Lupa:
Mula sa kongkretong karanasan ng mga magsasaka sa pagpapatupad ng P.D.27/CARP/CARPER, pare-pareho ang kanilang karanasan sa bawat lupaing matagal ng inilalaban at hanggang sa ngayon ay di pa rin naipapahagi. Ang mga sumusunod na mga isyu ang karaniwang problema ng mga magsasaka sa Gitnang Luzon, Timog Katagalugan at Hilagang Luzon ukol sa pagpapatupad ng repormang agraryo:
- Usad-pagong na pamamahagi ng lupa. Bagamat mataas ang porsyento na naiulat na naipamahaging lupa sa 3 rehiyon, marami pa ring lupain na di pa nagagalaw o naipamahagi, at nasa ibat-bang antas ng proseso ng pamamahagi. Kasama sa mga problemang ito ang non-installation ng mga magsasaka, kaso ng retention, pending ang titulo sa Registry of Deeds, nakambinbin ang kaso sa DAR Central office, non-coverage ng mga lupain dahil ayaw ng Municipal Agrarian Reform Officer (MARO) at iba pang opisyales ng DAR, problema sa pagtarget ng mga benepisyaryo, magkakasalungat na batas, at iba pa. 26 na kaso ang kasama rito at sumasaklaw sa 19,692.27 ektarya at 3,633 benepisyaryo.
- Reversals: sa mga lupaing nasaklaw at naipamahagi na, problema pa rin ang kanselasyon ng mga titulo ng lupa tulad ng Certificate of Land Ownership Award o CLOA at Emancipation Patent, problemang legal at mga kaso sa korte, bigay-bawi, foreclosures, at walang orihinal na titulo kahit nabayaran na ang lupa. 9 na kasong sumasaklaw sa 9,227.76 ektarya at 6,688 na benepisyaryo ang may kinalaman sa reversals.
- Laganap na exemption at conversion. Marami sa mga dapat saklawin ng mga lupain sa ilalim ng repormang agraryo ay mga may exemption o conversion order o aplikasyon at di na gumalaw ang proseso ng pamamahagi ng lupa. Nagagawa ito dahil sa sabwatan ng mga kawani ng DAR at mga may-ari ng lupa para iwasan ang repormang agraryo. Talamak ang conversion sa mga irrigated lands, mga lupang may interes ang dayuhan at lokal na mamumuhunan at gayundin, sa mga lugar na papaunlad o iyong mga nagiging peri-rural/urban. Kahit 8 kaso lamang ito, 28,841.84 ektarya naman ang saklaw at 2,984 benepisyaryo ang apektado.
- Pandadahas sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagkaso. Kasama na rito ang kriminsalisyon ng magsasaka at mangagawang bukid at paggamit ng sistemang legal ng mga panginoong maylupa upang sila’y kasuhan. Halimbawa nito ang pagkaso sa mga magsasaka sa Quezon, Bataan at Nueva Vizcaya ng qualified theft at trespassing. Saklaw nito ang 10 kaso na mayroong 30,173.84 ektarya at 3,060 benepisyaryong apektado.
- Kakalungan sa suportang serbisyo. Sa mga nabiyayaan na ng CLOA, walang kahit anong suportang serbisyo ang nakuha nila mula sa gobyerno. Kaya naman may mga hindi nakabayad ng amortisasyon at nanganganib na maliit ang lupa. Lalo na sa mga di pa nabibigyan ng lupa, walang kahit anong suportang serbisyo ang dumating. Problema ito ng lahat ng mga magsasakang dumalo sa konsultasyon at pagtatasa.
- Tiwaling kawani ng DAR. Mula MARO hanggang mga opisyales sa lalawigan at maging Regional Director ng DAR ay talamak ang korupsyon at pakikipagsabwatan mga ito sa mga panginoong may-lupa at developer kung kaya rin maraming kaso ng conversion at exemption, non-coverage, panlilinlang ng DAR sa mga magsasaka at mabagal na pagpapatupad ng batas o dili kaya ay tahasang pag-iwas na ipatupad ang repormang agraryo; Lahat ng kaso ay may problema sa mga tiwaling kawani ng DAR.
Mabagal na Pagpapatupad ng Batas: Taon ang Inabot!
Hindi lahat ng mga kaso ay may petsa ng pagsaklaw ng lupa, 24 na kaso ang may datos o taon. Kung susumahin ang lahat ng mga kasong ito, lumalabas na tumagal ng 502 taon ang inabot ng pagpapatupad ng repormang agraryo at may average na 20.9 o 21 taon, halos kasing tanda ng CARP!
|
Year of Coverage |
Number of Cases |
Duration of Implementation in Years per Case |
|
1972 (P.D. 27) |
5 |
40 |
|
1975 (P.D. 27) |
1 |
37 |
|
1989 (CARP) |
1 |
23 |
|
1994 (CARP) |
2 |
18 |
|
1996 (CARP) |
1 |
16 |
|
1997 (CARP) |
8 |
15 |
|
1998 (CARP) |
4 |
14 |
|
2003 (CARP) |
1 |
9 |
|
2007 (CARP) |
1 |
5 |
|
Total/Average |
24 |
20.9 |
Mga Dahilan sa Di Pagpapatupad ng Repormang Agraryo
- Di inspirado at tiwaling burukrasya
- Kakulangan sa pondo
- Matinding pagtutol at pandadahas ng mga panginoong maylupa
- Sistematikong problema sa legal/hustisyang mayroon sa Pilipinas
- Pag-agawa sa lupa para sa ibang gamit gaya ng biofuels at pag-agaw sa lupa ng mga hindi totoong benepisyaryo o mga loyal sa panginoong maylupa (land grabbing)
- Walang komitment ang gobyerno sa pagpapatupad ng repormang agraryo; hindi prayoridad
- Kulang sa imporamsyon ang mga magsasaka ukol sa batas, lalo na sa CARPER; walang maayos na representasyon sa CARPER monitoring committees at decision making bodies
Inihanda ng:
Save Agrarian Reform Alliance
FB account: http://facebook.com/saralliance
Twitter: @SARAlliance
c/o Focus on the Global South
19 Maginhawa St. UP Village
Diliman, Quezon City
+63-02-433-1676 (tel)
mbmanahan@focusweb.org (email)


